Araling Panlipunan (Pilipinas, Asya, Ekonomiks, Mga Kontemporaryong Isyu) (7-10)
Ang serye ng mga batayang aklat na ito ay idinisenyo upang maging kasangkapan ng mga guro at mag-aaral para sa mas makabuluhan at epektibong pagkatuto ng asignaturang Araling Panlipunan para sa sekundarya. Ang seryeng ito ay nakabatay sa Revised K to 10 Kurikulum (MATATAG) ng Kagawaran ng Edukasyon (Department of Education o DepEd) at isinulat alinsunod sa mga itinakdang layunin, nilalaman, kasanayang pampagkatuto, pamantayang pangnilalaman, at pamantayan sa pagganap ng nasabing kurikulum.
Binuo ang bawat batayang aklat sa serye na may malinaw na pagkakaugnay-ugnay upang matiyak ang progresibong pag-unlad ng pag-unawa at kasanayan ng mga mag-aaral sa bawat baitang. Inihain ng bawat batayang aklat ang mga paksa gamit ang lente ng mga disiplina sa agham panlipunan gaya ng heograpiya, kasaysayan, sosyolohiya, agham pampolitika, ekonomiks, at antropolohiya. Mapapansin na ang mga aralin ay nakabalangkas sa expanding horizon model—isang pamamaraang naglalahad ng mga konsepto at isyu mula sa sarili at pamilya, tungo sa pamayanan, bansa, at daigdig.
Ang seryeng ito ay ginawa para tulungan ang mga mag-aaral na mas makilala ang kanilang sarili bilang bahagi ng lipunan. Layunin nitong buksan ang kanilang mga mata sa mga isyung bumabalot sa paligid; hikayatin silang maging tunay na makabayan hindi lang sa salita, kundi maging sa gawa; at gabayan sila upang maging responsable sa kanilang mga desisyon at kilos. Sa pag-unawa sa sariling kasaysayan at kultura, mahuhubog ang kanilang kakayahang tumugon sa mga hamon ng bayan sa paraang makatao at makatarungan.
Sa bawat paksang-aralin, sa bawat gawaing makabuluhan, at sa bawat tanong na magtutulak sa mga mag-aaral upang mas mag-isip nang malalim, inihahanda sila ng seryeng ito na maging aktibong kabataang Pilipinong mag-aaral na makapag-aambag sa pagbuo ng isang lipunang payapa, patas, demokratiko, at mulat.
| Level | ISBN | Authors |
| 7 | 978-971-655-762-6 | Jay Son C. Batang / Jens Micah L. De Guzman |
| 8 | 978-971-655-763-3 | Celine L. De Guzman / Jens Micah L. De Guzman |
| 9 | 978-971-655-764-0 | Rosa Belle R. Bon / Elizabeth A. Auxillo |
| 10 | 978-971-655-765-7 | Celine L. De Guzman / Jens Micah L. De Guzman |












Reviews
There are no reviews yet.