Dakilang Pag-asa Gr. 1-6
Malaki na ang pagbabago sa daloy ng pamumuhay ng mga Pilipino dulot ng patuloy na modernisasyon at globalisasyon. Kung kaya’t higit na malaking hamon sa kasalukuyang henerasyon ng mga magulang ang pagtugon sa mas maraming materyal na pangangailangan at ang masusing paggabay sa paglinang ng mga pagpapahalagang mahalagang maisabuhay ng lumalaking anak. Kaya naman kabalikat ng bawat pamilyang Pilipinong may mag-aaral ang Kagawaran ng Edukasyon sa pamamagitan ng asignaturang Edukasyon sa Pagpapakatao (EsP).
Bilang tugon sa layunin ng Kagawaran ng Edukasyon, binigyang-daan ng Jo-Es Publishing House, Inc. ang paglilimbag ng seryeng Dakilang Pag-asa para sa asignaturang Edukasyon sa Pagpapakatao sa elementarya. Naging inspirasyon sa pagsulat ng seryeng ito ang mabubuting halimbawang isinabuhay ng mag-asawang Jose at Esperanza Miranda, ang mga may-ari at tagapagtatag ng Jo-Es Publishing House, Inc. Mula sa mga pangalang Jose (Dakila) at Esperanza (Pag-asa) hinango ang pamagat ng seryeng ito.
Patuloy na dumaloy sa sumunod na henerasyon sa katauhan ng mga anak na patuloy na nangangalaga sa Jo-Es Publishing House, Inc. ang mga pagpapahalagang itinanim ng kanilang mga magulang sa kanilang mga puso. Sila ay mga buhay na halimbawa ng mabuting pamumuhay sa kani-kanilang mga anak at mga apo at ng maayos na pamamahala sa mga katuwang sa hanapbuhay.
Sa mabubuting halimbawang ipinamana nina Ginoong Jose at Ginang Esperanza Miranda, tuloy-tuloy na isinasabuhay ng mga anak at mga apo ang mga pagpapahalagang nais malinang ng Kagawaran ng Edukasyon sa mga mag-aaral na Pilipino. Layunin ng asignaturang Edukasyon sa Pagpapakatao (EsP) ang paglinang ng mga kasanayang takda sa ika-21 siglo tungo sa pagpapaunlad ng puso at isipan ng mga mag-aaral na Pilipino sa elementarya na:
– may kakayahang makipagtalastasan
– nag-iisip nang mapanuri
– gumagamit ng mga likas na yaman nang may pananagutan
– produktibo at may malawak na pananaw sa daigdig
Sa mga mag-aaral, itong seryeng Dakilang Pag-asa ang inyong magiging kalasag sa pagharap sa mga hamon at pagsubok ng makabagong panahon. Isabuhay ninyo ang mga pagpapahalagang lubhang kailangan sa pagtatamo ng matiwasay na buhay sa daigdig. Maging mabubuting halimbawa kayo sa pagiging makatarungan, paghahatid ng katotohanan, pagtataguyod ng kapayapaan, at pagpapalaganap ng pagmamahalan.
Ito ang inyong aklat, ang Dakilang Pag-asa.
Dakilang Pag-asa (Gabay sa Mabuting Pagpapakatao) – Gr. 1 ISBN: 978-971-655-591-2
Dakilang Pag-asa (Gabay sa Mabuting Pagpapakatao) – Gr. 2 ISBN: 978-971-655-592-9
Dakilang Pag-asa (Gabay sa Mabuting Pagpapakatao) – Gr. 3 ISBN: 978-971-655-593-6
Dakilang Pag-asa (Gabay sa Mabuting Pagpapakatao) – Gr. 4 ISBN: 978-971-655-594-3
Dakilang Pag-asa (Gabay sa Mabuting Pagpapakatao) – Gr. 5 ISBN: 978-971-655-595-0
Dakilang Pag-asa (Gabay sa Mabuting Pagpapakatao) – Gr. 6 ISBN: 978-971-655-596-7
Reviews
There are no reviews yet.